Candelaria Series 2 of 7


1.1 Main Banner. Candelaria Series

Chapter II | Sa Kanyang Paggagala.Kailan naggala ang Birhen ng Silang? Bakit ito nakapaggala? Tingnan natin ang ang isang yaman ng simbahan ng Silang na itinatago ng mga Mother Butlers Guild.

Maraming kwento ang naitala, nasalin, nalathala at napamana sa salinlahi. Mula sa pagkakatuklas ng isang imahen mula sa isang puno (Antipolo), sa pagkawala ng imahen at matagpuan ito sa gitna ng gubat na napapaligiran ng ibon (Caysasay) at maging sa pagkakahango sa isang imahen mula sa ilog o dagat (de Guia), ang ilan sa mga kwentong ito ang naging ugat o sanhi ng isang malalim na pananampalataya sa tao upang mas mapalapit sila sa Mahal na Ina.

Slide1

Sa bayan ng Silang, isang salaysay na naitala ng Kastilang prayle na si Pedro Murillo Velarde sa kanyang Historia de la Provincia de Philipinas de Compaña de Jesus. Ito ay nabanggit ni Fr. Rene Javellana sa kanyang aklat na Wood and Stone sa kanyang catalogo sa kasaysayan ng bayan ng Silang.  Nakasaad dito na noong 1640, isang katutubo na nagngangalang Andres, ay may natagpuang kahon na naglalaman ng imahen ng Mahal na Ina sa bulubundukin ng Silang.

Slide3

Ang kanyang kaibigan na nakakita rin sa imahen ay lubhang nagandahan dito at hiniling kay Andres na ipagkaloob sa kanya ito, at ibinigay naman ni Andres ng walang pagtanggi.  Ang imahen ay naging kilala sa mga katutubong Silangueño. Gumawa ng isang tabernakulo para imahen kung saan dinadasalan ito ng rosaryo araw-araw. Noong ika-30 ng Enero taong 1643, di-sinasadyang naglakbay si Andres at nakalimot sa tagubilin ng mga matatanda na gawing sagrado ang Biyernes. Sa kanyang pagbabalik natagpuang walang laman ang tabernakulo.

Slide2

Nagsisisi at balisang hinanap niya ang imahe at kanya itong natagpuan. Humingi ng tawad siya rito at muling iniuwi. Siyam na beses nawala at natagpuan ang imahen. Kanyang kinausap ang Heswitang Rektor na nangangalaga sa simbahan at isang vigil ang isinagawa. Sa simbahan, isang marangyang prusisyon ng sayaw, tugtugan at kasiyahan ang isinagawa. Ang imahen ay iniluklok sa kaliwang retablo (gospel side). Ang dibusyon sa Birhen ay naging katangi-tangi sa mga katutubo kung saan sila ay nagbigay ng mga alahas, gintong korona, damit na pilak at mga ornamento- mga alay para sa Birhen.

Damit ng Candelaria

Sa kalagitnaan ng ika-20 dantaon, muling nabuhay ang kwentong ito. Ang Mahal na Ina ay diumano ay bumaba sa kanyang pedestal. Kaalinsabay nito, may mga taga-Silang na nagpapatunay na may nakita silang isang di-kilalang babaeng tumutulong sa mga mahihirap at nangangailangan noong panahon ng digmaan. Dalawang damit ng Mahal na Ina ang iniingatang itinago ng mga nangangalaga sa kanya. Parehong damit na yari sa seda at satin at kulay puti ay may tila mga bakas ng putik at pagkakabasa. Tinatayang ang unang saya ay gawa noong 1930s samantalang ang isa naman ay may nakalagay na 1940s. Ang isa sa mga saya ay maliit kaysa sa normal na sukat. Ayon sa mga Mother Butlers Guild na nangangalaga dito, dating pinipiraso ang mga damit ng Mahal na Ina upang makatulong sa may sakit. Ito ayt isang paniniwala na ang mga gamit na binanal ng ritwal ng simbahan ay makakatulong sa maysakit lalo na kung mataas ang kanyang panananampalataya dito.

Slide4

 

Advertisements